-- Advertisements --
teves

Posibleng isagawa ang special election sa ikatlong distrito ng Negros Oriental sa unang quarter ng 2024 para sa paghalal ng bago nilang kinatawan bilang kapalit ng napatalsik na si dating Congressman Arnolfo Teves Jr.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hindi na nila kakayanin na magdaos pa ng special election ngayong taon dahil sa nalalapit na halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK).

Liban pa dito, kailangan din aniya nila ng consent o direktiba na magmumula sa Kongreso para sa pagsasagawa ng special election dahil ang pondo para sa naturang halalan ay kinukuha sa budget ng Commission on Elections.

Kung sakali mang matuloy ito, ayon sa Comelec chairman, nasa P40 million ang kakailanganin, na parehong halaga ng ginastos para sa special election na ginanap noong unang bahagi ng kasalukuyang taon sa nabakanteng posisyon ni Justice Sceretary Jesus Crispin Remulla na kinatawan ng ika-7 distrito ng Cavite.

Sinabi din ni Garcia na nasa discretion na ng House of Representatives kung magtatalaga ito ng caretaker o magsasagawa ng special election sa naturang distrito bilang kapalit ni Teves.

Binigyang diin din ng poll body official na dapat magdeklara ng vacancy ang House at magpatawag ng hiwalay na halalan.

Matatandaan na pinatalsik si Teves bilang miyembro ng Kamara matapos pumabor ang 265u mambabatas dahil sa disorderly behavior at paglabag nito sa Code of Conduct ng House of Representatives.

Kasalukuyan ding humaharap sa patung-patong na kasong kriminal si Teves at idineklarang terorista subalit nananatiling misteryo pa rin ang kinaroronan nito sa kasalukuyan.