Nanindigan naman ang House minority bloc na ang girian sa speakership post ay hindi dapat makaapekto sa deliberasyon sa proposed 2021 national budget.
Ginawa ng mga miyembro ng minorya sa Kamara ang naturang pahayag isang araw matapos na aprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House Bill 7727, o ang 2021 General Appropriations Bill, na nagresulta sa suspensyon ng kanilang plenary session hanggang November 16.
Sa isang statement, sinabi ng mga kongresista na ang termination ng plenary debates sa panukalang pondo ay “premature” at “inconsistent” sa regular na proseso na sinusunod ng Kamara pagdating sa budget.
Ipinagkakait ng hakbang na ito ang karapatan nilang mga kongresista na mabusisi sa plenaryo ang proposed budgets ng mga ahensya ng pamahalaan.
Gayunman, sa ngayon, sinabi ng miyembro ng minorya na patuloy nilang tatalakayin ang iba’t ibang issues sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para matiyak ang accountability sa paggamit ng public funds.
Kanila namang hinihimok ang mga kasamahan sa majority bloc na magkasundo sa kanilang pagkakaiba upang sa gayon ay maayos na matalakay ang proposed 2021 budget.