-- Advertisements --

Handa si Speaker Alan Peter Cayetano na bitawan ang posisyon na hawak nito sa Kamara kung ayaw na sa kanya ng mga kapwa niya kongresista.

Ginawa ni Cayetano ang naturang pahayag sa gitna na rin ng mga kritisismong natatanggap ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) kung saan siya ang chairman.

Tumanggi naman ang lider ng Kamara na isipin o iugnay pa ang mga kritisismong ito sa kanyang posisyon bilang Speaker.

“Anong kinalaman niyan sa SEA Games? If someone wants to take advantage or if someone wants to make intriga, okay lang. But it’s not hurting me, it’s hurting the SEA Games and the country,” ani Cayetano.

Iginiit ni Cayetano na ni singkong duling ay wala siyang natanggap sa pangunguna sa mga paghahanda para sa SEA Games.

Handa aniya siyang sumailalim sa mga imbestigasyon hinggil sa mga aberya at sinasabing iregularidad sa hosting ng Pilipinas sa naturang biennial sporting event.

Masyadong maaga pa ani Cayetano para sa smear campaign laban sa kanya at sa kung paano niya hawakan ang preparasyon sa ika-30 edisyon ng SEA Games, lalo pa at malayo pa naman aniya ang 2022 elections at hindi rin naman adaw siya tatakbo dito.

“Anything under PHISGOC (Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee) including yung sa Clark ay natapos in time. It is world-class,” ani Cayetano.

Ang pambabatikos na kanyang natatanggap sa umano’y mismanagement niya sa SEA Games preparations ay pamumulitika lamang, na kagagawan ng mga walang pagmamahal sa bansa.