-- Advertisements --

ecop

Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez, na mayroong mga repormang nakalinya upang lumago at dumami ang mga negosyo sa bansa na magbubukas ng maraming trabaho at magbibigay ng magandang buhay sa mga Pilipino.

Ito ang inihayag ni Romualdez sa kaniyang talumpati sa ika-44 National Conference ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na ginanap sa Manila Hotel.

Binigyang-diin nito na ang polisiya ng administrasyon ay kumikilala sa kahalagahan ng mga employer sa pag-unlad ng bansa.

Pinasalamatan ni Speaker Romualdez ang mga lider ng mga negosyante sa kanilang pagharap sa hamong dala ng COVID-19 pandemic na nagawa nilang panatilihing bukas ang kanilang mga negosyo upang may mapasukan ang mga empleyadong Pilipino.

“Our President, Bongbong Marcos, and we in the 19th Congress recognize and appreciate your significant role, not only as economic drivers but as stalwart partners in navigating these tumultuous times. We’ve seen firsthand your determination to keep the Philippine economy resilient amidst the global crisis,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ipinunto din ni Speaker na kaisa ng administrasyong Marcos ang Kongreso sa pagbuwag sa red tape ng sa gayon maka-enganyo ng mga dagdag na mamumuhunan sa bansa.

Sinabihan din ni Speaker Romualdez ang mga foreign dignitaries na dumalo sa pagtitipon na ngayon ang tamang panahon para magnegosyo sa bansa dahil malakas ang ekonomiya at popular ang Pangulo.

Nagpasalamat din ni Speaker Romualdez sa tulong ng mga miyembro ng ECOP sa gobyerno para magtuloy-tuloy ang pagbangon ng bansa.