Nagbukas ng pintuan para sa ugnayan at kolaborasyon ang pakikipagpulong ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Martes, (oras sa Switzerland) sa mga manager ng mga nangungunang sovereign fund at pangunahing lider ng ibang bansa sa ikalawang araw ng 2024 Annual Meeting ng World Economic Fund sa Davos.
Naniniwala si Romualdez na napakahalaga ng high-level engagements kasama ang mga international business leaders and policymakers sa taunang World Economic Forum meeting dahil nagbibigay ito ng oportunidad makapag explore ng mga partnerships, collaborations, at investment opportunities upang mabatid ang potensiyal ng Maharlika Investment Fund.
Kasama sa prominenteng opisyal na nakaharap ni Romualdez sa sidelines ng WEF si Israfil Mamadov, Chief Executive Officer ng State Oil Fund ng Republic of Azerbaijan (SOFAZ). Hanggang nitong Marso 31, 2023 tinatayang nasa $53, 437.6 milyong dolyar ang asset ng SOFAZ.
Nakipagpulong din si Speaker Romualdez sa chairman ng Singapore state investment firm Temasek Holdings Limited na si Lim Boon Heng.
Naitatag ang Temasek Holdings at mayroong 11 opisina sa buong mundo. Nakatuon ang corporate arm nito sa investment portfolios.
Nuong 2023, ang net portfolio ng Temasek ay nagkakahalaga ng 287 bilyong dolyar, kung saan 27 bilyong dolyar ay divested at 31 bilyong dolyar naman ang ipinuhunan nang taong iyon.
Ipinakilala ni Pangulong Marcos Jr., sa international community ang MIF sa soft launch nito noong siya ay dumalo sa WEF annual meeting noong nakaraang taon.
Nakaharap din ni Speaker Romualdez ang kanyang Swiss counterpart, na si Eric Nussbaumer, pangulo ng National Council (Parliament) of Switzerland at kanilang pinag-usapan ang pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Switzerland.
Tinukoy ni Romualdez na ang Pilipinas, sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. ay isinusulong ang pagpapalakas ng paggamit ng renewable energy.
Nagkaroon din ng pulong si Romualdez kasama si Vietnam Prime Minister Pham Minh Chinh, na una na niyang nakaharap sa bilateral meeting ni Pangulong Marcos Jr. sa sidelines ng 43rd ASEAN Summit sa Indonesia Setyembre ng nakaraang taon.
Nakatakdang bumisita si Pangulong Marcos sa Vietnam sa katapusan ng Enero para sa isang state visit kung saan inaasahang lalagdaan ang kasunduan para sa pagsusuplay ng bigas sa bansa.
Para kay Romualdez, ang mga ugnayang ito kasama ang mga policymakers ay patotoo na isang magandang plataporma ng WEF para sa kolaborasyon at pagtutulungan para tugunan ang mga isyung pandaigdig at makapaglatag ng mga polisiya para harapin ang mga hamong kapwa kinakaharap ng mga bansa.










