Nagpahayag ng pakikiramay si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pagkamatay ng dalawang Pilipino sa naging pag-atake ng Houthi sa M/V True Confidence sa Gulf of Aden.
Ang ballistic missile attack ng Houthi na sinusuportahan ng Iran ay nagresulta sa pagkamatay ng tatlong miyembro ng crew, na kinabibilangan ng dalawang Pilipino at ikinasugat din ng dalawa pang Pilipinong crew ng barko.
Tiniyak naman ng lider ng Kamara, na mayroong mahigit 300 miyembro na tutulungan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamilya ng mga nasawi at nasugatang mga Pilipino sa naturang insidente.
Nanawagan din ang lider ng Kamara ng masusing imbestigasyon sa pag-atake at hinamon ang international community na kondenahin ang pag-atake sa mg sibilyan at sasakyang pangdagat.
Muli namang iginiit ni Speaker Romualdez ang pangako ng administrasyong Marcos na poproteksyunan ang kapakanan at karapatan ng mga Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa.