Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang delegasyon ng Pilipinas sa World Economic Forum (WEF) Annual Meeting (AM) 2024 sa Davos, Switzerland upang palakasin ang posisyon ng Pilipinas bilang nangungunang investment destination at para ibida ang Maharlika Investment Fund.
Noong Oktubre 2023, sumulat si WEF President Borge Brende kay Speaker Romualdez upang imbitahan ito sa pagpupulong na gaganapin ngayong Enero.
Sinabi ni Romualdez na layon ng Philippine delegation na bigyang-diin ang mensahe ni Pang. Ferdinand Marcos Jr nuong nakaraang taon na ang Pilipinas ay bukas na sa negosyo at magandang lugar ito sa rehiyon para sa foreign investment.
Magsasama-sama sa taunang pulong ang mga lider ng iba’t ibang bansa, negosyo—kabilang ang mga pinakamalalaking sovereign fund managers— at civil society upang pag-usapan at hubugin ang mga pang daigdigan, pang-rehiyon at pag-industriyang mga usapin.
Inendorso ni Ambassador at Permanent Representative to the World Trade Organization Manuel A.J. Teehankee ang paanyaya, kung saan binanggit din nito ang mahalagang papel ni Speaker Romualdez sa pagkakapasa ng MIF at ang pagpapakilala at paglulunsad ni Pangulong Marcos Jr. dito sa AM 2023.
Ayon kay Tehankee, magbubukas ang AM 2024 ng malaking oportunidad para maipagpatuloy ang magandang nasimulan ni Pang. Marcos sa kaniyang pakikibahagi noong nakaraang taon gayundin ay mapanatili ang interes ng Davos community sa mga oportunidad na mayroon ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang may mabilis na paglago ng ekonomiya.
Inaasahan na sa pagdalo ni Speaker Romualdez sa AM2024 ay ibabahagi nito ang mga nailatag na mahahalagang reporma sa lehislatura at ang mga inisyatiba ng administrasyong Marcos para mapaganda ang business climate at posisyon ng Pilipinas bilang kaakit-akit na lugar para paglagakan ng puhunan.
Inaasahan din na magkakaroon ng bilateral meeting si Romualdez sa mga kasaping pinuno ng mga bansa at negosyo.
Dagdag pa ng House Speaker, ang WEF ay isang magandang pagkakataon para palakasin ang istratehikong pakikipag-ugnayan sa mga lider ng iba’t ibang bansa at magkaroon ng kolaborasyon para mapa-unlad pa ang ekonomiya at kakayanang makipag kumpitensya ng Pilipinas.