Pinangunahan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang isinagawang aerial inspection sa Northern Sierra Madre Natural Park sa Isabela bilang bahagi ng pagtutulak ng mas matibay na proteksyon sa Sierra Madre.
Kasama ni Speaker Dy, ang mga miyembro ng House Committee on Government Enterprises and Privatization ang pag-iinspeksyon sa kalagayan ng kagubatan, watershed, biodiversity zones, at mga komunidad na apektado ng illegal logging at climate change.
Kasabay nito, isinusulong ng Kamara ang House Bill No. 3538 na magtatatag sa Sierra Madre Conservation and Development Authority (SMCDA), isang ahensyang mangangasiwa sa pangangalaga, rehabilitasyon, at sustainable development ng Sierra Madre.
Ayon kay Dy, mahalaga ang Sierra Madre bilang natural na panangga ng Luzon laban sa malalakas na bagyo at iba pang kalamidad. Binigyang-diin din niya na patuloy itong nanganganib dahil sa deforestation, illegal logging, at kaingin.
Ang Sierra Madre ay sumasaklaw sa 10 lalawigan at nagsisilbing proteksyon sa mahigit 50 milyong Pilipino sa Luzon.










