-- Advertisements --

Mariing pinabulaanan ng Southern Police District ang mga ulat ng umano’y jail break ng tatlong mga bilanggo sa detention facilities na nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon.

Ito ang nilinaw ng naturang hanay ng kapulisan kasunod ng pagkalat ng fake news na mayroong tatlong bilanggong nahaharap sa mga kasong rape, homicide, at murder ang nakatakas.

Ayon sa SPD, agad na umaksyon ang kanilang mga intelligence operatives gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga Scene of the Crime Operations Team ng Makati City Police Station, Guadalupe Nuevo Sub Station, Bureau of Jail Management and Penology sa Makati City, at La Paz Custodial Facility.

Batay anila sa kanilang imbestigasyon ay walang nangyaring prison break sa alinmang mga piitan na kanilang nasasakupan.

Samantala, gayunpaman ay patuloy namang hinihikayat ng SPD ang publiko na manatiling vigilante, at maniwala lamang sa mga beripikadong impormasyon mula sa mga official sources.