Nakipagpulong si Spanish Prime Minister Pedro Sanchez sa pamilya ng hinostage ng Hamas sa Gaza at nanawagan ng agarang pagpapalaya sa mga ito.
Walong mga magulang ng na-hostage ang nakipagpulong kay Sanchez sa Madrid. Kabilang din sa pulong ang pinalayang hostage ng Hamas..
Para kay Sanchez, walang hustisya sa karahasan kaya dapat ay palayain na nang walang hinihinging kapalit ang mga hostage ng Hamas.
Matatandaan na ang Spain, Ireland, at Belgium ay ilang mga bansa sa Europa na kritikal sa ginagawang hakbang ng Israel.
Sinabi rin ni Sanchez na ang tamang posisyon daw sa kasaysayan ay ang pag-respeto sa karapatang pantao, ang pagkakaroon ng permanenteng ceasefire, at pagbibigay ng humanitarian aid.
Ayon sa Israel, 132 pa ang nananatiling hostage sa Gaza kabilang na ang 28 na pinaniniwalang patay na.