-- Advertisements --

Magpapatupad ang Spain ng border controls sa lahat ng air at sea travel mula Italy habang tumitindi ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang bansa tungkol sa migration row.

Nag-ugat ito matapos pansamantalang suspendihin ng Italy ang Schengen Agreement, na nagbibigay-daan sa malayang pagbiyahe sa pagitan ng maraming European countries.

Dahil dito hiniling ng Spain sa Italy na alisin ang mga border checks nito pagsapit ng Linggo. Ngunit tumanggi ang Rome at sinabing hindi nito tatanggapin ang anumang “ultimatums” ng España.

Nabatid na tatagal nang isang buwan ang sanction, maliban na lamang kung magbabago ang sitwasyon.

Ang ultimatum ay napag-alaman na asailalim sa passport, nationality at visa checks ang mga biyaherong Italyano at iba pang dayuhang manggagaling sa Italy.

Nauna nang nagpatupad ang Italy ng katulad na restrictions matapos dumagsa ang tinatayang 78,000 illegal migrants mula Morocco patungo sa Spanish exclave na Ceuta.

Gayunpaman, nilinaw ng Italya na hindi saklaw ng karagdagang checks ang mga Spanish citizen na pumapasok sa bansa.

Sinabi ng Italy na mananatili ang border checks nito hanggang Agosto 15 dahil sa inaasahang panibagong dagsa ng illegal migrants sa Ceuta.

Ipinaliwanag ng Italy na kailangan nilang gawin ito upang mapigilan ang mga illegal migrants na makapasok sa bansa.

Pinabulaanan naman ito ng Madrid at sinabing walang sapat na batayan ang posisyon ng Rome dahil ang mga migranteng pumapasok sa Ceuta ay wala namang paraan upang direktang makapasok sa Schengen area.