Humingi na ng tulong ang mga awtoridad sa Ceuta sa pamahalaan ng Spain matapos ang pagdagsa ng libo-libong migrants sa maliit na Spanish territory na nasa hilagang bahagi ng Africa.
Nabatid na hiniling sa Madrid na magdeklara na ng national emergency at magpadala ng mga sundalo upang mapalakas ang seguridad sa border.
Sa mga kuhang video sa Tarajal Beach, makikitang daan-daang migrants na karamihan ay mga Moroccan, ang tumawid sa breakwater at tumatakbo sa dalampasigan at mga kalsada upang makapasok sa teritoryo ng Spain.
Karamihan sa mga gustong pumunta sa Spain ay mga kabataang lalaki, kababaihan, at mga bata na kasama ang kanilang mga pamilya.
Ayon kay Ceuta regional government head Juan Jesús Vivas, kinakailangan ang dagdag na puwersa ng pulisya at militar upang mapanatili ang seguridad ng bansa.
Nauna na ring inihayag ni Vivas na siksikan na ang mga migrants reception center sa Ceuta, kung saan daan-daang migrante na ang napipilitang matulog sa mga kalsada.
Muling lumalala ang tensyon sa border ng Spain at Morocco kasunod ng pagdami ng mga migranteng nagtangkang makapasok sa Ceuta, kabilang ang mga lumalangoy upang makapasok lamang sa Spain.
Matatandaang noong 2021, mahigit 8,000 migrants ang nakapasok sa Ceuta sa loob lamang ng dalawang araw sa isa sa pinakamalalaking border crises sa pagitan ng Spain at Morocco.











