Interesado ang South Korea na makibahagi sa isang joint feasibility study sa Bataan Nuclear Power Plant ayon sa bagong talagang SoKor Ambassador to the Philippines Lee Sang-hwa.
Sinabi ng envoy kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naiprisenta at naisumite na ang proposal para sa naturang pag-aaral sa Bataan Nuclear Power Plant at nangako din ang SoKor ng energy cooperation sa Pilipinas.
Kung matatandaan, binanggit ni PBBM sa kaniyang unang State of the Nation Address na nais niyang i-adopt ang nuclear energy bilang bahagi ng power mix sa bansa.
Ang Bataan Nuclear Power Plant ay proyekto ng yumaong ama ni Pangulong Bongbong Marcos at dating Pangulo ng Republika ng Pilipinas na si Pres. Ferdinand Marcos Sr.
Ipinatayo ito ng nakakatandang Marcos noong 1976 na nagkakahalaga ng $2.3 billion subalit natengga ito ng mahigit tatlong dekada na ang nakakalipas dahil sa safety concerns.
Sa pagtaya naman noon ng Duterte administration tinatayang papalo sa $1 billion ang kakailanganing halaga para muling buhayin ang planta.