Dinepensahan ni Senate Pres. Tito Sotto ang war on drugs campaign ng pamahalaan sa gitna ng lumutang na issue ng “ninja cops” na nagre-recycle umano ng illegal drugs.
Sa pagdalo ni Sotto bilang guest ng “Talakayan sa Manila Hotel,” sinabi nito na hindi maaaring dungisan ng kontrobersya ang kampanya ng pamahalaan matapos madawit ni Philippine National Police (PNP) chief police Gen. Oscar Albayalde sa issue.
Ayon kay Sotto, walang direktang batayan ang makapag-uugnay sa “ninja cops” controversy at war on drugs dahil hindi nakaupo bilang PNP chief si Albayalde nang mangyari ang kontrobersyal na raid sa Pampanga noong 2013.
Nilinaw ng senador na hindi sinadya o pinlano ng mataas na kapulungan na maungkat ang issue, taliwas sa pahayag ni Albayalde na pulitika ang motibo ng pagpapalutang sa kontrobersiya.
“From the time that he was appointed as PNP chief up to the present, there was no any controversy. Itong problema na ito is when he was provincial director of PNP in Pampanga,” ani Sotto.
“Madaling sabihin na konektado (yung ninja cops controversy) pero hindi konektado yan sa war on drugs ni President Duterte. Magkaiba yan. Ibang panahon nang mangyari iyong recycling na yan.”
Para sa Senador dapat sampahan ng mas mabigat na kaso at tuluyan ng sibakin sa serbisyo ang 13 ninja cops.
Bukas muling gugulong ang Senate hearing hinggil sa mga ninja cops at inaasahan na may mga bago raw witness at ebidensya na lulutang, batay na rin daw sa mga bagong subpoena na nilagdaan ni Senate Pres. Tito Sotto.