-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Senador Vicente “Tito” Sotto III ang mga akusasyon na tumanggap siya ng kickback mula sa mga flood control project, at tinawag niya itong walang basehan, politically motivated, at bahagi ng isang “bogus hearing”.

Binigyang-diin ni Sotto na hindi siya nanungkulan bilang senador o opisyal ng pamahalaan sa pagitan ng taong 2022 hanggang 2025, na siya umanong panahon kung kailan nangyari ang ibinibentang na transaksyon.

Pinasinungalingan din niya ang mga alegasyon na sangkot ang kaniyang dating executive assistant na si “Mark.” Ayon kay Sotto, ang taong tinutukoy ng mga testigo ay pumanaw na noong taong 2015.

Kinuwestiyon pa ni Sotto ang kredibilidad ng 18 indibidwal na nagpakilalang “ex-marines” at bagmen umano ng dating mambabatas na si Zaldy Co.

Inilarawan ng beteranong mambabatas ang mga bintang bilang “clutching at straws” o huling hininga ng kaniyang mga kalaban sa pulitika para bahiran ang kaniyang pangalan.

Ginawa ni Sotto ang paglilinaw matapos makaladkad ang kaniyang pangalan sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee ngayong Huwebes, Hunyo 4, kaugnay ng malawakang anomalya sa mga ghost flood control projects.

Bukod kay Sotto, nadawit din sa imbestigasyon ang pangalan ng iba pang mga kilalang politiko, na kapwa nagpahayag din ng kanilang mariing pagtanggi sa isyu.