Pinag-iingat ni retired Supreme Court Justice at ngayon ay Chancellor ng Philippine Judicial Academy Adolf Ascuna ang Kongreso sa kung saan ilalagay ang mga katagang “unless otherwise provided by law” sa binabalangkas na amiyenda sa mga restrictive economic provisions ng Saligang Batas.
Sa pagpapatuloy nang pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments sa Resolution of Both Houses No. 2 na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco, sinabi ni Ascuna na pabor siya sa pag-amiyenda sa aniya’y restrictive economic provisions ng Charter.
Pero kailangan aniyang “strategically located” ang paglalagay ng katagang “unless otherwise provided by law” upang sa gayon ang mga tatanggaling restrictions ay limitado lamang sa flexible portion ng polisiya at hindi sa mga protected principles kagaya ng tungkol sa pagpreserba sa marine life at territory.
Ayon kay Ascuna, kapag sa dulo ng proposed amendments ilalagay ang mga katagang ito, mangangahulugan lamang aniya na lahat ng mga naunang probisyon ng Konstitutsyon ay maaring palitan sa pamamagitan ng batas na gagawin ng Kongreso.
Kaya dapat linawin aniya na ang polisiya lamang na may kaugnayan sa foreign ownership sa mga investments ang kailangan na palitan.
Gayunman, binigyan diin ni Ascuna na kailangan nang amiyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas, lalo na ngayong bagsak ang ekonomiya ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.










