-- Advertisements --

Nanawagan ang 12 kongresista mula Eastern Visayas na pag-aralan ulit ang “Hatid Probinsya” program ng pamahalaan sa gitna ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa rehiyon.

Sa joint statement na kanilang inilabas, inihayag ng mga mambabatas, sa pangunguna ni Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez, ang kanilang pagkabahala sa pagtaas ng COVID-19 cases sa Eastern Visayas sa mga nakalipas na araw.

Tinukoy ng mga ito ang datos mula sa Department of Health (DOH) kung san 68 na bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa rehiyon noong Hunyo 13.

Sa kasalukuyan aabot na sa 200 ang bilang ng COVID-19 cases sa naturang rehiyon.

Bagama’t handa namang tanggapin ng kanikanilang mga probinsya sa Eastern Visayas ang mga uuwing residente, sinabi ng mga kongresista na responsibilidad din ng pamahalaan na tiyakin na sila ay negatibo sa COVID-19 infection at sa iba pang sakit.

“Specifically, we strongly urge the responsible national government agencies to immediately require, strictly monitor, and continually evaluate responsive health assessment procedures to effectively mitigate the risk and avoid the further spread of COVID-19 to the provinces,” ani Romualdez.

Kasabay nito ay nanawagan ang mga kongresista sa DOH na palakasin ang kanilang regional office sa Eastern Visayas para maging mas epektibo ang pag-contain sa pagkalat ng COVID-19 sa Leyte at Samar provinces.