-- Advertisements --

Kinondena ng ilang mga kongresista ang reinstatement sa dalawang military officials na dating sinibak sa puwesto dahil sa paglalabas ng listahan ng mga pangalan ng mga suspected communist rebels.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, ang bagong direktiba ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ay hindi na nakakapanibago sa isang administrasyon na makahilig namang mag-recycle ng mga nagkamaling opisyal.

Binigyan diin naman ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat ang kahalagahan ng pagkakaroon ng command responsibility, na dapat palaging sinusunod lalo na sa mga may ranggo sa militar.

Kung hangad aniya ng military na makuha ang tiwala ng publiko, dapat palaging biniberipika ng institusyon ang mga impormasyon na inilalabas ng kanilang mga opisyal.

Una rito, dinipensahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sina Armed Forces Deputy Chief of Staff for Intelligence Major General Alex Luna at Major General Benedict Arevalo, ang deputy chief of staff for civil military operations.

Ayon kay Lorenzana, hindi direktang liable ang dalawa sa publication ng maling listahan ng mga umano’y miyembro ng New People’s Army.

Sinabi rin ng kalihin na dapat bigyan ng ikalawang pagkakataon ang naturang mga military officials, pero hindi naman din kasi niya tuluyang inaalis ang liability ng mga ito, na nauna nang pinarusahan dahil sa command responsibility.