-- Advertisements --

Sa gitna ng agam-agam ng publiko sa pagpapaturok ng COVID-19 vaccine, umapela si San Jose del Monte, Bulacan Rep. Rida Robes nang pananalig sa pamahalaan pagdating sa COVID-19 vaccination program.

Sinabi ni Robes na ang Department of Health, Food and Drug Administration, Department of Science and Technology, at Interagency Task Force on Emerging and Infectious Diseases ay nagsusumikap para matiyak na makakuha ang bansa ng ligtas at epektibong bakuna kontra COVID-19.

Bukod dito, sinisiguro rin aniya ng mga lokal na pamahalaan na mababakunahan ang lahat base sa kanilang inilalatag na vaccination plan.

Kasabay nito binigyan diin ng kongresista na hangad ng pamahalaan na mawala na ang banta ng COVID-19 at matapos ang pandemya na dulot nito.

Sa ngayon, patuloy ang diskarte ng pamahalaan sa pagkuha ng mga bakuna kontra COVID-19 para sa lalong madaling panahon ay masimulan na rin ang pagtuturok sa mga mamamayan.