-- Advertisements --

Hinimok ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang Estados Unidos na ibigay na lamang sa Pilipinas ang extra nilang COVID-19 vaccines.

Magkakaroon naman kasi aniya ng surplus ng mga COVID-19 vaccines ang Estados Unidos dahil maraming supply naman ang kanilang nakuha at sobra-sobra na ito sa kanilang populasyon.

Sa katunayan, mismong si chief White House pandemic response adviser Dr. Anthony Fauci na rin aniya ang nagsabi na hindi na kakailangin ng America ang ilang milyong doses na kanilang bilhin mula sa British-Swedish firm na AstraZeneca.

Ang mga doses ng naturang bakuna ay maari aniyang ibigay na lamang sa Pilipinas, pati na rin ang sobra nilang supply mula sa Pfizer, Moderna at Johnson and Johnson.

Sa ngayon kasi sinabi ni Rodrigurez na ayon kay Fauci ay aabot na sa 200 million doses ng bakuna ang naiturok ng America sa tinatayang 300-million population nila.

Sinabi ni Rodriguez na mababawasan ang pagdipende ng Pilipinas sa CoronaVac na gawa ng China, at mabibigyan din ng option ang mga Pilipino, sa pamamagitan nang pagkakaroon ng access sa mga western-made vaccines.

Sa ngayon kasi, lumalabas aniya na walang choice ang mga Pilipino kundi magpaturok ng bakuna na gawa ng China dahil ito lamang ang available.

Iginiit ng kongresista na lalo pang lalakas ang relasyon ng dalawang bansa kung magbibigay ng bakuna ang America sa Pilipinas.