Hinimok ni Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na maglabas ng bagong guidelines na magpapahintulot sa paglabas sa bahay ng mga senior citizens na nabakunahan na kontra COVID-19.
Dapat na rin aniyang luwagan ang restrictions sa mga business establishments tulad ng restaurants, malls, hotels, resorts at iyong mga nasa tourism sector para sa mga taong nabakunahan na laban sa COVID-19.
Ito ay para makabangon ang mga negosyo na lubhang tinamaan ng COVID-19 pandemic, pati na rin mahikayat ang maraming tao na magpabakuna.
Ngayong patuloy namang tumataas ang bilang ng mga nababakunahan, sinabi ni Ong na dapat ay i-update ng IATF-EID ang guidelines nito sa social distancing at health protocols.
Pero dapat panatilihin naman ang requirement na palaging magsuot ng face mask at face shield.
Para sa maayos na implementasyon nang mas maluwag na restrictions, inirekomenda ng mamababatas na magkaroon ng database ang IATF na maaring ma-access para sa cross referencing ng mga vaccination cards ng mga nabakunahan.










