-- Advertisements --

Binalaan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang Department of Health (DOH) sakali mang gamitin ng kagawaran ang ilang milyong pisong allowances na nakalaan para sa mga health workers sa ilalim ng Bayanihan 2 Law.

Ginawa ito ni Defensor bilang sagot sa mga reklamo na nasa P36 million halaga ng allowances ng mga empleyado ng Philippine Orthopedic Center sa Quezon City ang ginamit sa mga “COVID-19-related activities.”

Iginiit ng kongresista na hindi ito maaring gawin ng DOH dahil malinaw sa Bayanihan 2 Law na dapat bigyan ng karagdagang hazard pay, special risk allowance at iba pang benepisyo ang mga health workers sa bansa.

Sa ilalim ng batas, hiwalay aniya ang pondong nakalaan para sa pandemic response interventions tulad nang pagbili ng mga protective personal equipment.

Hiwalay nga rin aniya ang P13.5 billion na alokasyon para sa allowances at iba pang benefits ng mga healthworkers.