Hindi ikinatuwa ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang paglalagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Salary Standardization Law V para sa mga rank and file employees sa bansa.
Sinabi ni Castro na walang dapat ipagpasalamat dito ang mga guro sa pampublikong paaralan at iba pang kawani ng gobyerno dahil kulang ang halagang madadagdag sa kanilang sahod.
Sa ilalim ng bagong batas, dagdagdagan ngayong taon ng P483 ang sahod ng mga nasa salary grade 1, o P16 kada araw para sa pinaka una sa apat na tranches ng implementasyon nito hanggang 2023.
Ayon kay Castro, ang mga entry level teachers sa ilalim ng salary grade 11 ay makakatanggap ng increase na P1,562, o karagdagang P52 kada araw.
Malayo aniya ito kung ikumpara sa ilang taon nang hinihiling ng mga guro at iba pang government employees kaya hindi aniya marapat sabihin ng Duterte administration na ipinagkaloob nito ang kanilang kahilingan sa pamamagitan ng bagong batas.
Sa pagtaas pa lang aniya ng presyo ng mga bilihin, income tax bunsod ng TRAIN Law at iba pang bayarin para sa kontribusyon sa GSIS, PhilHealth at Pag-ibig , iginiit ni Castro na kulang ang nakaambang wage increase.
Hindi aniya ito patas para sa mga guro at iba pang rank and file employees ng pamahalaan kumpara sa dagdag sahod na ipinagkaloob sa mga pulis at sundalo.
“President Duterte can now add the salary increase for teachers and other government employees in his list of failed promises. He promised teachers and other government employees what they demanded for which is a substantial salary increase, yet this Salary Standardization Law V only provides a measly increase divided in four tranches,” ani Castro.