-- Advertisements --

Ikinalungkot ng isang martial law veteran ang pagbasura ng Sandiganbayan sa P102-bilyon forfeiture case laban kina dating Pangulong Ferdinand Marcos, first lady Imelda Marcos at iba pa.

Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo ni dating Commission on Human Rights chair Etta Rosales, isinisi nito sa Office of the Solicitor General ang naging desisyon ng korte.

Ayon kay Rosales, posibleng hinawakan sa leeg ng OSG ang Presidential Commission on Good Governance na naghain ng kaso laban sa mag-asawang Marcos at 8 iba pa noong 1987.

“It is a sad plight. The PCGG is currently under the Sol Gen who happens to be a good friend of the Marcos family.”

Nasa ilalim kasi ng tanggapan ng SolGen ngayon ang PCGG.

Bukod dito, kilalang supporter at malapit sa pamilya Marcos ang kasalukuyang SolGen Jose Calida.

Batay sa desisyon ng anti-graft court 2nd Division, bigo ang PCGG na makapaghain ng sapat na ebidensya para patunayang binulsa ng mga Marcos ang kita ng ilang government-owned TV stations noon.

Hindi rin daw napanindigan ng complainants ang paratang na pumayag ang walong kapwa akusado na ilipat sa overseas bank accounts ng mga Marcos ang pondo ng bayan.

“Wherefore, premises considered, for failure of the plaintiff to prove by preponderance of evidence any of the causes of action against defendants Ferdinand E. Marcos, Imelda R. Marcos, Rafael Sison, Placido Mapa Jr., Don Ferry, Jose Tengco Jr., Ramon Monzon, Generosa Olazo, Cynthia Africa, and Rodolfo Arambulo, the case against them is hereby dismissed,” nakasaad sa desisyong nilagdaan ni Division Chairperson Oscar Herrera Jr. at Associate Justice Michael Frederick Musngi.

Ayon sa Sandiganbayan, nakakalungkot na bigong makalikom ng ebidensya ang PCGG sa loob ng 30 taon.

“It saddens the Court that it took more than 30 years before this case is submitted for decision and yet, the prosecution failed to present sufficient evidence to sustain any of the causes of action against the remaining defendants.”

Pero para kay Rosales, sa tanggapan ng SolGen dapat ibato ang sisi dahil kinontrol umano nito ang PCGG para hindi madiin ang mga Marcos sa kaso.

“What this means is that they will betray the mandate of the PCGG. The problem is the Sol Gen,” ani Rosales.