-- Advertisements --

Pumabor si South Korean President Lee Jae Myung sa pagbabago ng sistema ng pamahalaan sa bansa upang gawing apat na taon ang termino ng pangulo na may pahintulot para sa re-election, kasabay ng paglilipat ng ilang kapangyarihan nito patungo sa parlamento.

Ayon kay Pangulong Lee, nananatili ang kaniyang posisyon mula pa noong 2022 presidential campaign na kailangang amyendahan ang konstitusyon ng South Korea na halos 40 taon nang hindi nababago.

Sa kaniyang panukala, nais niyang bawasan ang tinatawag na “imperial presidency” sa pamamagitan ng paglilipat sa National Assembly ng ilang kapangyarihan sa pagpili ng Prime Minister, mga appointment, at sa Board of Audit and Inspection.

Inihayag din ng isang opisyal mula sa Blue House na handa man lang paikliin ng Pangulo ang kaniyang sariling termino kung kinakailangan upang maisakatuparan lamang ang reporma sa saligang batas batay sa kasunduan ng iba’t ibang partido sa parlamento.

Sa kasalukuyang sistema ng South Korea, limitado lamang sa iisang limang taong termino ang panunungkulan ng isang pangulo nang walang karapatang tumakbo muli.