-- Advertisements --

Hinimok ni House Committee on Health vice chairman Mike Defensor ang Department of Health (DOH) na gamitin ang social media sa contact tracing efforts para sa mga nakahalubilo ng mga nagpositibo sa COVID-19.

“We should make full use of Facebook and other social media platforms. We have 75 million FB users and we are one of the most active nations in terms of social media,” ani Defensor.

Bukod dito, may mga contact tracing applications na maaring gamitin din aniya ang DOH.

Iginiit ni Defensor na maging ang mga mahihirap na komunidad sa urban at rural areas ay mayroon nang ginagamit na cellphones, at mayroon ding Facebook at iba pang social media accounts.

Sa pamamagitan nang paggamit ng social media aniya ay matutukoy kung saan nagtungo ang mga infected sa nakalipas na 14 na araw at kung sino ang mga nakahalubilo ng mga ito.

Umaapela naman si Defensor sa pamilya ng mga nagpositibo sa COVID-19 at sa mga naka-home quarantine o iyong nagre-recover sa kanikanilang mga bahay na huwag lumabas sa kanilang tirahan sa loob ng 14 araw para huwag nang makahawa pa ng iba.

Mahalaga aniyang magtulungan ang lahat sa ngayon lalo pa at malapit nang mag-collapse ang health system sa bansa.

Sa ngayon kasi aniya ay nasa full capacity na ang mga ospital sa Metro Manila.