CAUAYAN CITY – Nagpaliwanag ang pamunuan ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) tungkol sa pagpositibo sa COVID-19 ng isang nasawing pasyente na kalaunan ay negatibo sa testing ng Department of Health (DOH).
Unang nakaugnayan ng Bombo Radyo Cauayan si Ginang Emily Chilagan, asawa ng namatay na pasyente at si Ginang Darlina Bilangon, ang tiyahin nito.
Ayon kay Ginang Bilangon, nagpositibo ang resulta ng COVID test ng SIMC sa kanyang namatay na pamangkin ngunit nang muling isailalim sa test ay negatibo na ang resulta.
Aniya, natagalan din ang resulta ng antigen test nito dahil halos kalahating araw nilang hinintay ang resulta.
Ayon naman kay Ginang Chilagan, ang asawa ng namatay na pasyente, nagtaka sila dahil magkahalo ang positive at mga walang COVID-19 sa room na pinagdalhan sa kanyang asawa.
Dahil dito ay inasahan na niyang magpapositibo ang kanyang asawa sa test dahil sa pagkahalo nito sa mga COVID patient sa isang room bagamat ilang oras lamang ang itinagal nito.
Kung hindi pa umano siya nagreklamo ay hindi ililipat ng mga kawani ng ospital ang kanilang pasyente.
Matapos ang ilang oras ng paghihintay ay tama ang hinala niya na positibo na ang resulta ng antigen test.
Hindi nila matanggap ang resulta dahil sa kanilang pinanggalingang ospital ay negatibo ang antigen test nito kaya nagreklamo sila sa mga kawani ngunit sinabihan umano silang antayin ang tawag para sa pag-uusap.
Ayon kay Ginang Chilagan kung positibo man ang kanyang asawa ay bakit nakatiwangwang lamang ang bangkay nito sa ospital at hindi man lang inilagay sa isolation upang hindi makahawa sa ibang tao lalo na at isa itong protocol sa ospital.
Pagkatapos nito ay sinabi rin ng ospital na kinuha ng punerarya ang bangkay na isa na namang isyu dahil positibo ang namatay na dapat diretso na sana sa libing.
Dahil hindi sila naniniwala sa resulta ay hiniling nilang isailalim sa swab test ang namatay na asawa sa DOH Tuguegarao at negatibo ang resulta nito.
Nagkaroon din ng hindi pagkakaintindihan dahil iginigiit umano ng doktor ng SIMC na ang positive result ang ipakita sa mag-eembalsamo sa bangkay kahit natiyak na nilang negative ito sa reswab.
Mali rin ang kasariang nakalagay sa test result dahil babae ang nakalagay habang lalaki ang pasyente.
Inihayag ng pamilya na nais nilang matigil na ang ganitong gawain ng mga ospital sa mga maliliit na mamamayan.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Aubrey Estonilo, Health Emergency Manager ng SIMC, iginiit niya na batay sa pakikipag-ugnayan niya sa mga nagsagawa ng testing, totoong positive ang pasyente batay sa isinagawang RT-PCR Testing ng ospital.
Aniya, maaaring nagnegatibo ang ipinadalang specimen sa DOH dahil kinuha lang ang swab sample nang patay na ang pasyente kung saan posibleng nawala na rin ang virus dahil sa mga gamot na ibinigay sa pasyente.
Iba rin aniya ang ginagamit na machine sa DOH Region 2 kung saan ang standard talaga ay RT-PCR na ginagamit ng SIMC.
Magkaiba rin ang machine at proseso na ginamit sa testing kaya iba ang sensitivity sa resulta.
Batay pa sa pamantayan ng DOH kapag may tatlong resulta ng COVID-19 test at may isang nagpositive ay ang positibo ang susundin.
Sinabi pa ni Dr. Estonilo na suspect patient ito nang dumating sa ospital kaya ito ay nasa emergency room kung saan may mga COVID patients lalo na at puno na rin ang mga ward noong araw na iyon.
Maliit lamang ang lugar sa SIMC kaya walang gaanong maraming bed capacity.
Sa ngayon nakipag-ugnayan na sila sa Regional Epidemiolgy Surveillance Unit (RESU) ng Cordillera maging sa Ifugao para sa reiteration ng proseso ng kanilang testing upang hindi na maganap ang katulad na pangyayari.