CAUAYAN CITY – Nanindigan ang simbahang katolika na pinapayagan lamang ang pagsasama ng lalaki at babae at hindi ang pagsasama ng kapwa lalaki at kapwa babae.
Ito ang tugon ni Fr. Vener Ceperez, social communications director ng Diocese of Ilagan at kura paroko ng San Antonio de Padua Parish Church sa Reina Mercedes, Isabela sa panukalang batas hinggil sa same sex union na isinusulong ni Senador Robin Padilla.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni
Fr. Ceperez na bilang simbahan ay kailangang linawin ang ibig sabihin ng same sex union kung pagsasama bilang mag-asawa, pagsasama bilang magkaibigan o pagsasama ng dalawang tao dahil wala na silang kapamilya at bilang single ay nais nilang magsama na itaguyod ang kanilang buhay sa paggawa ng mabuti.
Ayon kay Fr. Ceperez, sa katuruan ng simbahan kapag sinabing same sex union ang nasa isip ay pagsasama bilang mag-asawa.
Hindi pa rin ito tinatanggap ng simbahan dahil sa konsensya ng isang tao ang nagsasama na mag-asawa ay lalake at babae.
Ito ay nakasaad sa pananampalataya at sa katuruan ng simbahang katolika na kailangang sundin.
Ang pangunahing nais ng pagsasama ng mag-asawa ay pagbuo ng pamilya na may tatay, nanay at anak at hindi ito mangyayari kung kapwa lalaki at kapwa babae ang magsasama.
Ayon kay Fr. Ceperez, sinisira ng same sex union ang larawan ng pamilya na pagsasama ng mag-asawa.
Hindi akma kung ang layunin ng pagsasama bilang mag-asawa kahit batid nila sa kanilang sarili na parehong babae at parehong lalake.
Tinatanggap naman sa simbahan ang mga kasapi ng LGBTQ dahil nilikha sila ng Diyos ngunit kung tanggap nila kung sino sila ay tanggap din nila ang hangganan ng mga dapat nilang gawin.
Hindi sila maaaring pumasok sa same sex union dahil dapat tanggapin ang katotohanan kung paano sila nilikha ng Diyos at dapat maging mabunga sila bilang tao.
Sinabi pa ni Fr. Ceperez na ang paglipat ng HIV ay ang intercourse ng lalaki sa lalaki na pagkasira ng pagkatao ng mga taong ang alam ay ito ang tama.
Dapat aniyang manaig ang isip at ikalawa lang ang pakiramdam at dapat tanggapin ang katotohan para makita kung ano ang nararapat.
Ang same sex union ay medyo sensitibong isyu dahil ang katotohanan ay nakakasakit ngunit dapat sabihin ang katotohanan para sa healing.