-- Advertisements --
image 172

Welcome sa Philippine National Police (PNP) ang pagsasabatas ng SIM Card Registration Law sa Pilipinas.

Kasunod ito ng paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa naturang batas bilang isa sa mga solusyong nakikita ng pamahalaan para maresolba naman ang paglaganap ng text scam sa bansa.

Sa isang statement na inilabas ng Public Information Office ng PNP na ang batas na ito ay magbibigay ng ngipin sa pambansang pulisya upang masupil ang mga kriminal na nasa likod ng mga “anonymous” pre-paid SIM cards.

Dito ay ibinahagi ni PNP Public Information Office Chief Police Brig. Gen. Roderick Augustus Alba na noong panahon ng pandemya ang kapansin-pansin na nag-shift sa paggawa ng krimen ang mga mapagsamantalang indibidwal mula sa traditional crime patungo sa paggawa ng online crimes sa pamamagitan ng telecommunication at cyberspace platforms.

Aniya, gamit ang modernong komunikasyon ay nakakagawa ng iba’t-ibang modus operandi ang mga salarin upang makapangikil ng perang pinaghirapan ng ibang tao.

Batay naman sa datos ng Anti-cybercrime Group ay umabot na sa 4,254 ang kabuuang bilang ng naitala nitong SIM card related offenses mula Enero hanggang Setyembre ng taong ito ngunit hindi pa rin kasama rito ang mga kasong hinawakan ng iba pang yunit ng PNP, at iba pang government institutions.

Samantala, bukod dito ay nagpahayag naman ng kumpiyansa ang pambansang pulisya na matututunan din ng ating mga kababayan na tanggapin ang mga benepisyong dulot ng SIM card registration sa lahat ng mobile phone users sa bansa sa gitna ito ng kaliwa’t kanan opiniyon at reaksyon ng taumbayan ukol dito.