-- Advertisements --

ILOILO CITY – Libo-libong residente na ang nagrereklamo sa ipinapatupad na signal jamming sa Iloilo District Jail sa Nanga, Pototan, Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo 4th District Board Member Rolando “Rolly” Distura, vice chairperson ng Committee on Peace and Order and Public Safety, sinabi nito na ilang buwan nang hirap ang mga residente na sakop ng 300-meter radius ng Iloilo District Jail na makatawag o makapagpadala ng text message.

Idagdag pa rito na hirap din sila sa komunikasyon sa tuwing may emergency.

Maliban sa Nanga, Pototan, apektado rin ang Barangay Culob, Cansilayan, Jebioc, at Bongco sa Pototan; gayundin sa Cabilauan sa katabing-bayan ng Barotac Nuevo.

Napag-alaman na noong Hunyo pa nag-install ng signal jammer sa loob ng Iloilo District Jail para sa security measures sa loob ng pasilidad, kung saan 100-meter radius lang daw ang maaapektuhan ngunit sumaklaw ito ng 300 meter radius.

Sinabi naman ni Distura na magsasagawa sila ng committee hearing sa Sangguniang Panlalawigan kasama ang National Telecommunications Commission at Bureau of Jail Management and Penology upang pag-usapan at mabigyan ng solusyon ang problema.