MANILA – Umapela si Sen. Joel Villanueva sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bigyan ng full coverage ang mga Pilipinong makakaranas ng side effects matapos turukan ng COVID-19 vaccine.
“Kung libre ang bakuna, libre din dapat ang pagpapagamot ng anumang adverse side effect nito,” ayon sa senador.
Naniniwala si Villanueva sa ganitong paraan, mas lalong magtitiwala ang publiko sa bakuna dahil may nakahandang safeguard ang kanilang pagbabakuna.
Ayon sa senador, kung libreng matatanggap ng mga Pilipino ang bakuna, dapat libre rin ang pagpapagamot sa anumang side effect nito.
Pag-aaralan na raw ng Department of Health (DOH) ang panukala ng senador.
Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na mas magigig matagumpay ang vaccination plan kung maisasakatuparan ang libreng post-vaccination treatment sa publiko.
“Ang inaaalala natin, kung may mga allergy, halimbawa, at respiratory distress ang manifestation nito, baka i-charge po ito doon sa existing case rates na may ceiling, at lalabas pa na may out-of-pocket expense ang nabakunahan,” ani Duque.
Kamakailan nang lumabas sa survey ng Pulse Asia na 50% lang ng mga Pilipino ang may tiwala at interesadong magpa-turok ng COVID-19 vaccines.