-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Malaki ang pasasalamat ng Department of Tourism (DOT)-Caraga na hindi inirekomenda nina Department of Enviroment and Natural Resources Secretary (DENR) Roy Cimatu at Department of Interior and Local Government Sec. Eduardo Año ang pagpapasara sa Siargao Island sa Surigao del Norte.

Ito’y matapos personal nilang masaksihan kahapon ang pagsimula ng demolisyon sa tinatayang 391 establishments na lumabag sa environmental laws ng bansa.

Ayon kay DOT-Caraga regional director Ma. Ana Nuguid, walang plano ang probinsyal na pamahalaan ng lalawigan na ipasara ang isla bilang solusyon sa isyu ng basura dahil ipapatupad ng DENR ang lahat ng mga environmental laws sa loob ng isla.

Kahapon ay pinasinayaan din ng dalawang kalihim ang Residual Containment Area na nasa Barangay Malinao sa bayan ng General Luna.

Pinuri pa ng dalawang kalihim si Mayor Yayang Rusillon dahil sa barangay-to-barangay na pagpapatupad sa waste segregation lalo na sa mga gusali kaya malinis ang kanilang bayan.

Sa turismo naman ay ipinatupad nila ang tourism destination zoning sa mga gusaling lumabag sa environmental laws na may magandang epekto sa industriya ng turismo sa isla.

Sa nasabing zoning ay boluntaryong gigibain ng mga may-ari ang kanilang establisamhment na lumabag sa 20-meter easement zone at ito umano ang magpapatunay na nais ng mga stakeholders ng isla na ayaw nilang magaya ang Siargao sa Boracay Island.