Pinulong ngayong araw ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mga miyembro ng mataas na kapulungan ng Kongreso para sa mga panukalang batas na target nilang maihabol sa 17th Congress.
Hanggang Hunyo 7, 2019 na lang kasi ang kanilang sesyon bago ang sine die adjournment.
Ayon kay Sotto, isa sa mga nais nilang maipasa ang Human Security Act o Anti -Terrorist Act, para mas lalong mapaigting ang parusa at ang paghabol sa mga hinihinalang terrorista.
Ang naturang panukalang batas ay inaakda ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous act.
Maging ang pag-amiyenda sa ilang mahahalagang panukalang batas tulad ng public services act na ngayon ay nasa ikalawang pagbasa ay ibig ring paspasan ng mga mambabatas.
Ani Sotto, marami nang problema ang bansa sa isyu ng public services tulad ng palpak na internet connection, delay ng mga flights, kakapusan ng tubig, koryente at problema sa MRT, kung kaya’t kinakailangan na ma-aprubahan ang amiyenda sa public services act.
Dagdag pa umano ang Medical Scholarship Act, Budget Reform Act, Rightsizing the National Government Act, Salary Standardization Law, Reformation of Children in Conflict with the Law o amiyenda sa Jubenile Justice Law .