Nag-concede na ang dalawang re-electionist Senators na sina Richard Gordon at Leila de Lima matapos mangulelat sa isinasagawang bilangan ng mga boto.
Sa magkahiwalay na statement, inamin ng mga outgoing senators ang kanilang pagkatalo dahil malapit nang matapos ang bilangan pero malayo pa rin sila kahit sa ika-12 puwesto at ang tinatawag na Magic 12 sa senatorial race.
Agad namang nagpaabot nang pagbati si Gordon sa lahat ng mga nanalo at umaasa itong magiging matagumpay ang mga ito sa kanilang trabaho.
Habambuhay naman daw niyang hangad ang pagkakaisa ng ating bansa at ipagdadasal nito sa panginoon na gabayan ang lahat ng mga bagong halal na leader sa kanilang mga hangaring mapaganda ang ating bansa.
Nagpasalamat din ito sa kanyang mga supporters na bumoto sa kanya.
Sa mensahe naman ni De Lima, nagpasalamat din ito sa kanyang mga supporters at iginiit nitong hindi siya nagsisisi na pinagsilbihan ang bansa at sinubukang tumakbo sa kanyang ikalawang termino kahit ito ay nakakulong.
Sa latest partial at unofficial tally ng Commission on Elections (Comelec) transparency servers ay nasa ika-22 na puwesto si Gordon habang nasa ika-23 naman si De Lima.