Nagpahayag ng pagsuporta si Senator Robin Padilla sa mga polisiya na ipinatupad ni Cebu Gov. Gwen Garcia sa lalawigan.
Sa kanyang kauna-unahang pagbisita sa Kapitolyo matapos itong nanalong senador, sinabi pa nito na sinusuportahan niya ang patakaran ni Garcia na ihinto ang pagpatay sa mga baboy dahil sa isyu ng African Swine Fever (ASF) sa Carcar City.
Dapat pa aniyang kilalanin ng pambansang pamahalaan ang mga desisyon ng local government units kung paano nila tutugunan ang mga mahahalagang isyu tulad ng nasabing sakit dahil sila ang mas nakakaalam.
Dagdag pa ng opisyal na hindi dapat dinidiktahan ang isang lugar dahil yun ay teritoryo nila.
Samantala, pinasalamatan naman ng senador si Garcia at ang mga Cebuano sa natanggap nitong suporta sa nagdaang eleksyon.
Sinamantala naman ng gobernador ang pagkakataon na imbitahan itong makiisa sa darating na Suroy-Suroy Sugbo Enchanting Camotes ngayong Abril 15-16, 2023 na masaya rin namang tinanggap ni Sen. Padilla.