-- Advertisements --

Naniniwala ang isa sa Senator-judges sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na maaaring trap o bitag lamang para ilihis sa tunay na isyu sa Bise Presidente kung sakaling kwestyunin sa Korte Suprema ang desisyon ng impeachment court na pagsauli ng complaint sa Kamara de Representantes.

Paliwanag ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel na sa oras na maisampa na ang legal cases sa korte, malilihis na ang pokus sa main issue at mas matagal kapag court cases na.

Kayat kung mapapansin aniya ang mga abogado maging ang mga bumalangkas ng batas na tutol sa naging desisyon ng Senate impeachment court ay hindi naghahain ng kaso sa korte dahil maaaring ito ay bitag.

Saad pa ng Senador na bagamat may basehan ang pag-kwestyun sa desisyon ng impeachment court, hindi umano niya ito inirerekomenda.

Aniya, sa pamamagitan lamang ng paghahanda at pagpapadala ng notices ay maaari nang maiabot ito sa Hulyo 28, na saktong pagbubukas ng 20th Congress at inaasahang ipagpapatuloy ang impeachment proceedings laban sa Bise Presidente.

Matatandaan, isa si Sen. Pimentel sa limang Senator-judges na tumutol na isauli ang impeachment complaint sa Mababang Kapulungan habang pumabor naman ang 18 iba pang Senador.