Pinasalamatan ni Senator-elect Robin Padilla ang namayapang si Sen. Aquilino “Nene” Pimentel Jr. dahil sa mga nasimulan nito upang itaguyod ang pederalismo.
Matatandaang si Pimentel na itinuturing na ama ng local government code, ang isa sa pangunahing nagtaguyod ng pederalismo, lalo na nitong Duterte administration.
Ayon kay Padilla, ang mga naumpisahan ng nakatatandang Pimentel ang nagpakita sa kaniya ng kahalagahan ng federal form of government, para mapalakas ang buong bansa, kung saan sisimulan ito sa lokal na pamahalaan.
Lalo pang ikinatuwa ng dating actor at ngayon ay topnotcher senator ang pagtulong sa kaniya ng anak ni Sen. Nene Pimentel na si Sen. Koko.
Umaasa si Padilla na sa paghawak niya ng Senate committee on constitutional amendments ay may mararating na ang hinahangad nilang pagbabago sa ating saligang batas.