Iniulat ng Senate Management Information Systems Service (MIS) na pag-trip ng electrical circuit breaker ng Government Service Insurance System (GSIS) ang dahilan ng pagkawala ng air conditioning sa Session Hall.
Ito’y matapos ang reklamo ng ilang senador tungkol sa umano’y pagpatay ng air conditioning at WiFi sa Session Hall kahapon.
Naibalik ang operasyon ng centralized air-conditioning ng Senado bandang ala-6:20 ng gabi.
Samantala, sinabi rin ng MIS Service na walang naganap na internet outage sa naturang oras. Sa kanilang monitoring, nanatiling aktibo umano ang WiFi.
Kung nagkaroon daw ng internet failure, awtomatikong magpapadala ng alert ang kanilang system sa pamamagitan ng SMS at email—na hindi umano nangyari.
Magugunitang una nang inakusahan ni Sen. Erwin Tulfo na pinatay umano ang aircon at WiFi habang naghihintay ang minority senators ng session.
Mariin naman itong pinabulaanan ng Senate technical team, na nagsabing gumagana ang systems sa naturang oras at walang indikasyon ng intentional shutdown.















