Pinuri ni Senador Raffy Tulfo si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa matagumpay nitong pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng United Arab Emirates na nag-resulta sa pagbibigay ng pardon sa ating tatlong OFW, dalawa ay nakapila sa death row at isa ay nasintensiyahan ng 15 taong pagkakakulong.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Tulfo kay UAE President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan dahil sa magandang balitang ito na nagpapatunay sa magandang relasyon at pagkakaibigan ng dalawang bansa.
“Nais kong ipaabot ang aking pagbati sa ating Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa matagumpay nitong pakikipagugnayan sa gobyerno ng UAE. Lubos din ang aking pasasalamat kay UAE President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan dahil sa magandang balitang ito,” Ani ni Tulfo.
Ang resultang ito ay bunga rin ng dalawang magkahiwalay na liham na ipinadala ni PBBM kay Sheikh Mohamed na umaapela na mabigyan ng pardon ang ating tatlong kababayan.
Ipinaabot din ni Tulfo ang kanyang pasasalamat kay UAE Ambassador to the Philippines Mohamed Obaid Alqataam Alzaabi, na personal niyang nakilala noong nakaraang buwan, para sa pagpapadali sa paguusap ng dalawang lider. Nagpapasalamat din siya na kinumpirma ng Ambassador ang pangako ng UAE na itaguyod ang mga karapatan at protektahan ang kapakanan ng higit sa 600,000 manggagawang Pilipino sa estado ng Gulf.
Nangako rin si Tulfo na susuportahan ang lahat ng mga programa at proyekto ng Marcos government na nakatuon sa pagpapabuti ng buhay ng mga OFW at kanilang mga pamilya.