-- Advertisements --

Pinag-aaralan na raw ng Senado ang pagsasailalim sa dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) ng kanilang opisina bilang suporta sa apela ng medical frontliners.

Ayon sa source, kinokonsulta na raw ni Senate President Vicente Sotto III ang kanyang mga kapwa mambabatas sa mataas na kapulungan para sa naturang hakbang.

Kung sasang-ayon ang lahat ng senador, pansamantalang isasara ang mga pasilidad ng Senate building sa Pasay City. Magpapatupad din ng skeleton workforce sa Office of the Sergeant at Arms na mananatiling on-duty.

Ang mga pagdinig at session naman ng mga senador ay ire-reset o ipagpapaliban. Dahil dito maaapektuhan ang ikinakasa sanang hearing sa umano’y korupsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Bukas ng hapon ay posible raw inanunsyo sa plenaryo ang desisyon ng mga mambabatas sa panukala ni Sen. Sotto.

Nitong araw pumalo na sa higit 100,000 ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng bagong record high na higit 5,000 new confirmed cases.