-- Advertisements --

Pormal nang sinimulan ngayong Lunes, Hulyo 6, ng Senado na umuupo bilang impeachment court ang paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte.

Si Duterte ang kauna-unahang bise presidente sa kasaysayan ng Pilipinas na haharap sa impeachment trial.

Haharapin niya ang apat na articles of impeachment kung saan batay sa rules ng Senado na kapag sa isang articles of impeachment lang ay convicted na ang isang responded ay hindi na ipagpapatuloy ang botohan sa iba pang mga reklamo.

Sa madaling sabi, kailangan lang ma-convict sa isang impeachment articles ang isang nasasakdal para matanggal siya sa puwesto.

Kabilang sa mga paratang laban sa Ikalawang Pangulo ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, alegasyon ng panunuhol, at umano’y pagbabanta laban sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Isasagawa ang paglilitis mula Lunes hanggang Miyerkules, alas-2 ng hapon.

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, na siyang presiding officer ng impeachment court, ang unang araw ay ilalaan sa mga preliminary proceedings, kabilang ang pagbibigay ng opening statements ng prosekusyon at depensa.

Sa ikalawang araw naman inaasahang sisimulan ang pagpapatawag ng mga testigo at pagpresenta ng ebidensya.

Inaasahang magsisimula ang pagdinig ng mga testigo sa Hulyo 7 at 8.

Liban dito kinuwesyon rin ang pagiging presiding officer ni Gatchalian dahil hindi siya abogado, ngunit iginiit niya na nakasaad sa rules ng Mataas na Kapulungan na ang Senate President ang dapat umupo sa naturang posisyon.

Kabilang sa mga napag-usapan sa caucus ng mga senador ang isyu sa “BIR box” na naglalaman ng mga tax records ni Sara Duterte at ng kaniyang asawa na si Atty. Manases Carpio, na posibleng maging bahagi ng ebidensya sa kaso.

Samantala, iginiit ni Senator Panfilo ”Ping” Lacson na pagkakataon ito para magkaisa ang Senado sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw, at dapat manatiling maayos ang diskusyon sa loob ng impeachment court.

Hindi ito ang unang impeachment trial sa bansa. Noong 2001, si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada ay naharap din sa paglilitis na nauwi sa EDSA 2 matapos ang kontrobersyal na pag-walkout ng mga prosecutor.

Noong 2012 naman, napatalsik sa puwesto si dating Chief Justice Renato Corona dahil sa hindi kumpletong pagdedeklara ng kanyang SALN.