-- Advertisements --

Posibleng magpataw ng windfall tax o buwis sa labis na kita ang pamahalaan sa mga kumpanya ng langis na kumikita umano ng malaki sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo. 

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, dapat busisiin ang ginagamit na mekanismo ng replacement cost ng mga kumpanya ng langis, na aniya’y maaring nagdudulot ng mas mataas na presyo kahit luma pa ang kanilang imbentaryo. 

Iminungkahi ng senador na dapat ay gamitin ang first in, first out na sistema kung saan mas murang naunang stock ang unang ibinebenta. 

Inamin din ng senador na posible ang pagtataya ni Senator Rodante Marcoleta na umaabot sa bilyong piso kada araw ang kinikita ng ilang oil companies bagama’t kailangan pa aniya itong beripikahin. 

Dahil dito, sinabi ni Gatchalian na pinag-aaralan ng Senado ang paglalagay ng probisyon sa batas na mag-oobliga sa mga kumpanya na inilahad kanilang tunay na kita. 

Kapag napatunayang sobra ang kinikita, maaring ipataw ang windfall tax bilang paraan upang maprotektahan ang publiko. 

Samantala, matapos ma kuwestyon sa pagdinig sa senado ang kataka-takang mabilis na pagsirit ng presyo ng petrolyo at matukoy na ang ibinebenta ng mga oil companies ay ang mula pa sa kanilang lumang imbentaryo nanawagan ang grupong Manibela na e-refund umano ang sobrang presyo ng langis na ibinenta sa publiko. 

Ayon kay Mar Valbuena, malinaw umanong galing pa sa lumang imbentaryo ng mga oil companies ang ibinebenta sa unang dalawang linggo nang magsimula ang tensyon sa Middle East, indikasyon aniya ito ng hindi makatarungang pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo. 

Dahil rito, inatasan na umano ang Philippine Competition Commission na imonitor ang posibleng anti-competitive behavior at profiteering sa industriya. 

Kasunod nito, muling iginiit ni Gatchalian na kailangan na ng high-level negotiations upang makakuha ng siguradong suplay, at huwag na aniya antyin na humantong pa sa fuel rationing ang bansa bago kumilos ang pamahalaan.