Babalangkas ang Senado ng lupon na susuri sa paggamit ng intelligence at confidential fund ng mga ahensya ng gobyerno.
Batay sa resolusyon sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senate committee on national defense and security chairman Sen. Panfilo “Ping” Lacson, aalamin kung hindi naaabuso ang nasabing pondo, lalo’t hindi ito karaniwang naisasapubliko.
Pero maaaring masagasaan ng aksyong ito ang isyu sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na pinamumunuan ng kanilang dating kasamahan na si dating Sen. Gregorio Honasan.
Matatandaang lumutang ang alegasyon ng maling paggamit ng pondo ng DICT, makaraang magbitiw sa pwesto si Usec. Eliseo Rio Jr.
Kinuwestiyon ni Rio ang P300 million cash advance na inilabas noong 2019.
Para kay Lacson, mainam na pagkakataon ito para linisin ni Honasan ang kaniyang pangalan mula sa pagdududang nalikha ng expose sa DICT.