-- Advertisements --

Handa si Senate Blue Ribbon Committee chairman Richard Gordon na imbestigahan ang nakitang “deficiencies” ng Commission on Audit (COA) sa P67 billion COVID-19 pandemic funds ng Department of Health.

Kung kakailanganin, sinabi ni Gordon ay isasagawa nila ang naturang pagdinig sa lalong madaling panahon, pero aminado naman na malaking trabaho ang kailangan gawin ngayon ng DOH lalo pa at tumataas na naman ang bilang ng mga naitatalang COVID-19 cases sa kada araw.

Gayunman ay nagulat aniya siya na hindi nagagamit ng lubos ng DOH ang pondo nito sa kabila ng matinding pangangilangan para rito tulad na lamang nang pagbabayad sa hazard pay ng mga nurses at pagbili ng mga ventilators at iba pang mga kagamitan na kailangan sa kasalukuyang sitwasyon.

Nakakahiya nga rin aniya sa mga tao na nagbibigay ng grants sa Pilipinas sa gitna ng pandemya na hindi naman pala nagagamit ng husto ang pondo.

Sa kanilang 2020 audit report, sinabi ng COA na aabot sa higit P67 billion ang deficiencies ng DOH sa kanilang pandemic funds.

Nakitaan din ng irregularities sa procurement process at kawalan ng documentation sa iba’t ibang kontratang pinasok ng DOH.

May ilang mga medical equipment at supplies din na binili ng kagawaran para sa pandemic response ang hindi nagamit o hindi kaagad na nagamit dahil sa walang malinaw na plano para rito sa simula pa lamang.