Iginiit ni SENATE President Pro Tempore Panfilo Lacson na iaakyat niya sa plenaryo ng Senado ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects upang maipresenta sa publiko ang mga natuklasan ng Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Sen Lacson, magbibigay siya ng privilege speech na maglalaman ng resulta ng 7 hanggang 8 pagdinig, lalo’t hindi pa nakakakuha ng sapat na pirma ang partial report para sa pormal na paghahain. Aniya, mahalagang mailahad ang mga datos upang labanan ang maling naratibo at mabigyan ng tamang impormasyon ang publiko.
Binigyang-diin din niya na ang pagpirma sa ulat ay hindi nangangahulugang buong pagsang-ayon, at iginagalang niya ang magkakaibang pananaw ng mga senador. Dagdag pa niya, may mga ebidensyang lumutang sa mga pagdinig na nakatulong sa pagbuo ng mga kaso sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Samantala, nanawagan naman si Sen Alan Peter Cayetano ng mas malawak na pagtingin sa imbestigasyon. Aniya, hindi dapat malimitahan sa partial report ang usapin dahil patuloy pa ang pagsusuri at marami pang ebidensya ang inaasahang lalabas.
Giit ni Cayetano, hindi lahat ng proyekto ay “ghost projects” at mahalagang makita ang kabuuang larawan, dahil ang katiwalian aniya ay sistemiko at hindi lamang iilang kaso. (report by Bombo Jai)
















