Hinikayat ni Senate committee on economic affairs chair Senator Imee Marcos ang Bureau of Customs (BOC) na ipamigay na lamang ang mga snuggled gadgets na kanilang nakumpiska sa mga nagdaang taon dahil mas kailangan umano ito ng mga estudyante ngayon.
Kaysa raw sirain ay mas maganda aniya kung ibibigay na lamang ang mga smuggled laptops, computer units, cellphones at tablets sa mga mag-aaral na may online classes.
Ayon pa sa senadora, kung nakapagbigay daw ang BOC ng 800 smuggled vehicles sa law enforcement agencies noong Hulyo ay dapat din itong gawin para matapos na ang agam-agam ng milyon-milyong mag-aaral sa bansa.
Dagdag pa ni Marcos na posibleng tumaas ang influx sa mga smuggled devices dahil mas maraming tao at kumpanya pa ang papasok na rin sa work-from-home setup.
Posible rin aniya na i-donate na lamang ng customs ang mga nasasabat na gadget sa loob ng 15 araw na hindi ito binawi ng mga importers.
Sinabi pa ng senador na hindi lahat ng pamilya ay sapat ang kinikita upang bumili ng celllphone, latops o kahit magkaroon ng stable na internet connection.
Ilang grupo na ang nanawagan ng academic freeze para bigyan ng sapat na oras ang pamilyang Pilipino na apektado ng coronavirus crisis na makabangon muli.