Para kay Senator Richard Gordon, hindi umano ito ang tamang oras para i-rationalize ang incentives para sa mga investors na gustong mag-invest sa Pilipinas sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Sen. Gordon, pabor ito sa pagbabawas ng corporate income tax sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) bill ngunit dapat ay bantayan pa ring mabuti ang magiging epekto kung gagalawin ang tax incentives.
Ang Senate Bill 1357 o CREATE Act ay naglalayong bawasan ang corporate income tax rate mula 30 percent hanggang 25 percent at unti-unti itong pababain ng hanggang 20 percent sa mga susunod na taon.
Base sa Department of Finance (DOF), Pilipinas ang mga pinakamataas na corporate income tax rate sa buong ASEAN region na aabot ng 30 percent noong 2009.
Habang Singapore naman ang may pinakababang corporate income tax na aabot lamang sa 17 percent noong 2010 at sinundan ng Brunei na may 18.5 percent noong 2015.
Ito’y matapos sabihin ni Senate Ways and Means Committee chairperson Pia Cayetano na tanging mga negosyo lamang sa economic zones ang nakararanas ng “forever incentives.”
Sinabi naman ni Gordon na dahil dito ay posible raw na hindi na tumuloy ang mga kumpanya na mag-invest sa Pilipinas at mas piliin na lamang ang mga karatig bansa.