-- Advertisements --

Hindi napigilan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang kaniyang emosyon habang nagbibigay ng talumpati ang nagbitiw na si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Bagama’t nasa isang bahagi lamang ng plenary hall, marami ang nakapansin sa pagluha ni Dela Rosa.

Una nang lumutang ang isyung isa ang ipinatawag na hearing ni Sen. Bato ukol sa PDEA Leaks na dahilan kaya marami sa mga miyembro ng Senado ang nawalan ng kumpyansa kay Zubiri.

Matatandaang kasama sa mga pangalang nakaladkad sa pagsisiyasat ng lupon sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at actress Maricel Soriano mula sa umano’y leak documents na inilabas ng dating PDEA agent na si Jonathan Morales.

Pero bigo naman si Morales na suportahan ang kaniyang mga alegasyon at naakusahan pa ito ng pagsisinungaling kaya na-cite in contempt sa Senado.

Tinawag naman ni Pangulong Marcos na “sinungaling” at “juke box” si Morales, dahil kapag hinulugan daw ng pera ay tutugtog ito kahit walang katotohanan ang mga sasabihin.