-- Advertisements --

Tiniyak ni Senador Christopher “Bong” Go na suportado niya na tapusin na ang pag-iral ng short-term employment na kilala bilang “endo” o “end-of-contract” sa bansa.

Gayunman, ipinaliwanag ng senador na kaya “vineto” o ibinasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proposed anti-endo measure noong 2019 ay dahil pinalawak nito ang sakop at kahulugan ng illegal “labor-only contracting” na nagbabawal sa lehitimong paraan ng kontraktuwalisasyon na hindi partikular na makasasama sa mga empleyado.

“Ako naman po, pabor ako dito sa (ending) endo. Kung na-veto man po ito, may dahilan ang Executive Department dahil masyado pong broad ito noon,” pahayag ni Go sa isang panayam, nang bisitahin ang mga biktima ng sunog sa Sta. Cruz, Manila.

Sinabi ni Go na ang pag-veto ay resulta ng maingat na pag-aaral at ebalwasyon na ginawa ng mga kaugnay na ahensiya ng pamahalaan.“Usually naman po pag merong (panukalang) batas, pinag-aaralan ng executive, different agencies. Binibigyan po ng comments. Siguro ‘yun po ang rekomendasyon ng iba’t ibang department. (That is why) they decided to veto,” aniya.

Inihayag ni Go na handa siyang maghain at suportaan ang kaparehong bill na magtutuwid sa mga concern ng Executive Department, dahil ang naturang panukala ay isa sa mga prayoridad ni Pangulong Duterte na binanggit nito sa kanyang nakalipas na State of the Nation Addresses.

“Hindi pa naman po ako part ng Senado during that time so I’m willing to file, to push for its enactment po sa next Congress tutal ito naman po ay isa sa mga priority ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA,” saad pa ni Go.

Tinukoy ni Go ang Executive Order NO. 51 ng Pangulo na nagbabawal sa contracting o subcontracting kung nilalabag nito ang karapatan ng manggagawa sa security of tenure, collective bargaining, self-organization, at peaceful coordinated activities, at iba pa.

“Alam nyo, ‘di pa ata ako miyembro nun, 2018 pa ‘yun. Si Pangulo naman, meron siyang inisyu na Executive Order itong… Executive Order 51 signed by President Duterte May 1, 2018 aims to protect the workers right to security of tenure,” sabi ni Go.

Binigyang diin din ng mambabaas na dapat balansehin ng pamahalaan ang interes ng lahat ng stakeholders sa pag-konsidera sa anti-endo measures.

“Importante po dito balansehin natin ang lahat bago natin ipasa ang batas. Balansehin natin ang lahat na hindi mahihirapan… Pero importante pa rin po dito ang kapakanan po ng mga workers, ‘yung mahihirap na workers. Ayaw naman natin matigil po ang negosyo dahil wala na pong magbibigay ng trabaho sa maliliit na trabahante,” dagdag pa niya.

Umaasa si Go na sakaling maihain ang panibagong anti-endo bill sa sa susunod na Kongreso, titiyakin niya ang seguridad ng employment ng lahat ng manggagawang Filipino.

“So, kapag meron na po tayong ipupush na (anti-)endo sa susunod na Kongreso, siguraduhin po muna natin ang proteksyon ng ating workers at hindi sila mawalan ng trabaho,” pagtitiyak ni Go.