
Inilipat na sa kustodiya ng PNP Custodial Center sa Camp Crame ang self-confessed gunman na si Joel Escorial sa pamamaslang sa beteranong broadcaster na si Percy Lapid.
Kinumpirma ito ni PNP spokesperson PCOl Jean Fajardo matapos na pahintulutan ng Las Piñas Regional Court Branch 254 ang paglipad ni Escorial mula sa dati nitong kustodiya ng NCRPO Special Operations Group.
Aniya, bandang alas-4 ng hapon kahapon ay isinailalim muna sa kaukulang documentation si Escorial nang makarating ito sa Kampo Crame bago tuluyang ilipat at tanggapin sa Custodial Center.
Ayon naman kay NCRPO director PMGEN Edgar Allan Okubo, mismong mga tauhan ng Metro Manila Police ang naghatid kay Escorial patungo sa Camp Crame para tiyakin ang kaniyang seguridad.
Kung maaalala, si Escorial ang isa sa mga itinuturing na susi ng mga otoridad para sa paglutas nito sa Percy Lapid Case at matukoy ang utak sa nasabing krimen.
Kaugnay nito ay kasalukuyan pa ring pinaghahanap ng mga otoridad ang lokasyon nina dating BuCor director Gerald Bantag at Deputy Security Officer nito na si Ricardo Zulueta na itinuturong mastermind sa naturang pamamaslang.










